METRO MANILA, Philippines – Dismayado si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nakita nito nang magsagawa ng inspeksyon sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA terminal 2 kahapon ng madaling araw dahil sa maraming pasahero ang naapektuhan ng mga naantala at diverted flights bunsod ng red lightning alert na inilabas ng NAIA noong weekend.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, isa ito sa mga napag-usapan sa cabinet meeting kagabi at nagpahiwatig din ang Punong Ehekutibo na posibleng magkaroon ng revamp sa mga opisyal ng paliparan. Gayunman, walang detalyeng ibinigay ang Pangulo hinggil dito.
“Parang he just hinted about a revamp, parang in passing lang sinabi, wala siyang masyadong maraming explanation,”ani ni Presidential Spokesperson Sec. Salvador Panelo.
Bukod dito, nais din ng Pangulo na magkaroon lamang ng iisang entity, mapa-militar o civilian force na mamamahala sa seguridad sa NAIA at plano din umano nitong ilipat ang ilang general aviation o domestic flights sa Sangley Airbase sa Cavite para maibsan ang congestion sa NAIA.
Nagbigay din ng direktiba ang Pangulo kay Transportation Secretary Arthur Tugade na agad nang umpisahan ang operasyon sa Sangley Airbase, na target namang maisagawa sa Nobyembre.
“Ang target date niya is December, ang sabi naman ni President, masyadong matagal yan, November na lang. He is in a hurry, he wants to fix all these things, he wants to have solution to the traffic in EDSA, nagmamadali siya. Knowing Secretary Art.” ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Salvador Panelo.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: NAIA, Pres. Rodrigo Duterte