Bakuna vs omicron, ilalabas ng Pfizer; omicron vaccine, tila huli na para sa mga may Covid-19 surge — W.H.O

by Radyo La Verdad | January 13, 2022 (Thursday) | 4015

Posibleng huli na para sa mga bansang nakararanas ng pagdami ng kaso ng Covid-19 ang na ilalabas na omicron-specific vaccine. Ito’y matapos inanunsyo ng pharmaceutical giant na Pfizer sa isang panayam sa Estados Unidos na may dine-develop itong bagong bersyon ng Covid-19 vaccines na epektibo kontra omicron variant.

Bagaman hindi pa malinaw kung kakailanganin ito, nakahanda ang kumpanya na ilabas ang omicron-specific vaccine Marso ngayong taon.

Ayon kay W.H.O Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe, maaaring makatulong ito sa mga magkakasakit dulot ng omicron variant. Ngunit  baka huli na rin para makontrol ang pagkalat nito sa mga bansang nakakakita na ng pagtaas ng Covid-19 cases gaya ng Pilipinas.

Paglilinaw ni Dr. Abeyasinghe, ang lahat ng mga bakunang nakalista sa W.H.O ay epektibo para maiwasan ang pagkakaroon ng malalang kaso ng Covid-19 at pagkamatay, at ang kailangan  ngayon — bakuna na kayang mapigilan ang pagkahawa ng mga tao ng kahit mild symptoms.

Una nang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na kailangan pa ring mag-apply ng bagong Emergency Use Authorization para rito upang matiyak ang kalidad ng bakuna.

Sa ngayon, prayoridad ng global community ang pagtuklas sa bakuna na makapipigil sa mismong pagkahawa sa Covid-19.

Nasa apat na pu’t tatlo pa rin ang kumpirmadong kaso ng omicron variant sa Pilipinas — dalawampu’t isa ang local cases habang dalawampu’t dalawa ang galing sa international travelers.

Harlene Delgado | UNTV News

Tags: , , ,