Bahay Pag-asa Youth Rehab Center sa bansa, kulang

by Jeck Deocampo | January 23, 2019 (Wednesday) | 3310
Bahay Pagasa Youth Rehabilitation Center sa Valenzuela City.
Larawan mula sa official website ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City.

METRO MANILA, Philippines – Natalakay sa pagdinig kahapon ng Senate Committee on Justice hinggil sa panukalang pagbaba ng age of criminal responsibility ang kalagayan ng mga youth detention and rehabilitation center sa bansa o mas kilala bilang ‘Bahay Pag-asa.’

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga ito ang magsisilbing kulungan ng mga batang masasangkot sa krimen at hindi sa mga ordinaryong piitan.

Batay sa ulat ng Juvenile Justice and Welfare Council, sa ngayon ay mayroon lamang 63 na Bahay Pagasa sa bansa. 55 sa mga ito ay pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan, tatlo ang nasa pamamahala ng non-government organizations at may lima na hindi pa nagagamit.

Ngunit ayon kay Attorney Tricia Oco, ang executive director ng Juvenile Justice and Welfare Council, marami sa mga Bahay Pagasa ang walang maayos na pasilidad.

“Some of the Bahay Pagasa we saw, mas malala pa po siya sa kulungan. Wala silang programs. Wala silang beds. Ang mga bata doon, they are just being told to be quiet the whole day,” ani Attorney Oco.

Kabilang sa mga ipinunto ng grupo sa pagdinig ay kung kailan nagsisimula ang tinatawag na age of discernment sa mga bagay na tama o mali. Batay anila sa mga siyentipikong pag-aaral, nagsisimula ang kapasidad ng mga bata na malaman ang kahihitnan ng kanilang mga ginawa sa edad na 14 hanggang 16.

Kayat hindi aniya maaaring itrato ang mga batang nakagawa ng krimen ng kapareho ng mga nasa tamang gulang.

Dagdag ni Attorney Oco, “the culpability of children should be different from the adults because they have immature brains. Based on scientific evidence, usually the brain of the female matures at the age of 22 and male (at the age of) 25. We also found in our studies that 14 to 16 (years old), that’s the time that they really start to know the consequences of their actions, but the maturity really completes at the age of 25.”

May ilang pag-aaral din aniya ang nagsasabi na kadalasang apektado ng “impulses” ang pagdedesisyon ng mga bata kaya’t kadalasan na immature sila kung mag-isip.

Subalit, hindi naman kumbinsido rito si Senate President Tito Sotto III na may akda ng panukala.

Pahayag ng Senator Sotto, “hindi pwede na puro theoretical, puro science, hindi actual eh. Ano’ng gusto nila ngayon? 22 years old and below (ay) walang criminal responsibility? Let’s put our foot on the ground, ano ‘yung nangyayari sa Pilipinas”

Tags: , , , , , ,