Bahay ng maglive-in partner na may iligal na armas, sinalakay ng mga pulis

by Radyo La Verdad | August 24, 2018 (Friday) | 4812

Sinalakay ng mga tauhan ng Regional District Special Operation Unit at Special Weapons and Tactics ang bahay ng negosyanteng si Arnold Padilla sa Magallanes Village, Makati City pasado alas sais kaninang umaga.

Bitbit ng mga otoridad sa pangunguna ni NCRPO Director General Guillermo Eleazar ang search warrant para sa illegal possession of firearms nang salakayin ang bahay ni Padilla. Ito ay dahil nag-iingat umano ng mga baril at pampasabog ang negosyante sa kaniyang bahay.

Sa paghalughog ng mga operatiba, naabutan sa loob ng kotse si Arnold Padilla kasama ang kanyang live-in partner na si Glocel Razon.

Paghuli kay Padilla, nahuli din ang tauhan ni Padilla na si Alfie Ortiz. Natagpuan sa bahay ni Padilla ang isang shot gun, mga bala, isang caliber 45 pistol at dalawang granada.

Ayon kay NCRPO Chief Guillermo Eleazar, maraming mga reklamo sa brgy. laban kay Padilla at napag-alaman din na nagpasa din aniya ito ng pekeng drug test result nung nag-aplay ito para sa lisensya ng baril.

Ayon naman sa kampo ni Padilla, partikular kay Atty. Edmund Fortun, walang katotohanan na may iligal na armas ang suspek dahil mga lisensiyado aniya ito pati ang granada ay hindi rin aniya pagmamay-ari ng kaniyang kliyente.

Natukoy rin ng mga otoridad na sangkot din si Padilla sa pagkamatay ng kaniyang kapatid noong 2010.

Pero ayon sa kaniyang kampo, nadismiss na ang kasong iyon.

Kanina ay kinuhanan ng blood pressure si Padilla at hindi makagalaw ito matapos atakihin ng obssesive complusive disorder.

Dadalhin sa Camp Bagong Diwa ang mga suspek na nahaharap sa kasong illegal possession at ammunitions and explosives ang mga suspek.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,