Bagyong Luis, posibleng lumabas na sa PAR; habagat, magpapa-ulan pa rin sa ilang lugar sa Luzon

by Radyo La Verdad | August 24, 2018 (Friday) | 12978

Inaasahang lalabas na ngayong umaga ng Philippine area of responsibility (PAR) ang Bagyong Luis. Namataan ito ng PAGASA sa layong 430km sa north northwest ng Basco, Batanes.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 40kph at pagbugso na aabot sa 70kph. Kumikilos ito pa east northeast sa bilis na 15kph.

Ayon sa PAGASA, walang direktang epekto ang bagyo sa bansa subalit pinalalakas nito ang habagat na nakakaapekto ngayon sa ilang bahagi ng Luzon.

Base sa forecast ng PAGASA, makararanas ng hanggang sa malalakas na pag-ulan ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Batanes at Babuyan Group of Islands.

Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay makararanas naman ng papulo-pulong pag-ulan.

Samantala, isang low pressure area (LPA) pa ang binabantayan ng PAGASA sa layong 1,205km sa silangan ng Basco, Batanes.

Ayon sa PAGASA, may posibilidad din na maging bagyo ito subalit hindi na inaasahang tatama sa bansa.

 

 

 

 

 

 

 

Tags: , ,