Baguio City, magpapatupad ng parking fees

by Radyo La Verdad | February 3, 2022 (Thursday) | 14478

Posibleng magpatupad ang Lokal na Pamahalaan ng Baguio ng parking fees o pangongolekta ng bayad sa mga residente na nagpaparada ng kanilang mga sasakyan sa tabi ng kalsada.

Papayagan din na magtalaga ng parking spaces ang bawat barangay at mangongolekta ng parking fees bilang kita.

Ayon kay City Council Information Officer Jordan Habbiling, naipadala na sa opisina ni Mayor Benjamin Magalong ang Measure Settings at General Guidelines para sa crafting ng Roadside Policies ng 128 barangay at hinihintay na lamang na mapirmahan bago ito tuluyang maipatupad.

Batay sa ordinansa, magkakahalaga ng P35 – P50 ang mga magpaparking on-street para sa unang 3-oras tuwing parking period sa umaga na mula 7:00 am – 7:00 pm at karagdagang P10 para sa mga susunod pang oras habang P100 naman ang parking fee sa overnight parking period na mula 7:00 pm hanggang 7:00 am.

Ipagbabawal din ang pagrereserba at dapat na first-come, first served basis ang pagpaparada.

Samantala, hindi saklaw ng panukala ang mga staging at parking areas na nakatalaga para sa mga pampublikong sasakyan sa parking areas ng mga parke at mga pasilidad na pagmamay-ari at sakop ng city o national government.

Hindi rin kabilang sa ordinansa ang mga kalsada na sakop ng Central Business District (CBC) dahil under na ito ng existing ordinance, City Ordinance 1-2003 o ang Baguio City Coding Scheme Ordinance.

Nakasaad din na ang overnight parking ng mga pampubliko at pribadong sasakyan ay ipinagbabawal at makokonsidirang obstruction, sa mga designated or not designated area sa ilalim ng iginawad na parangkisa ng LTFRB.

(Renajane Coyme | La Verdad Correspondent)

Tags: ,