Bagong tagapagsalita ng PNP, nangakong lalabanan ang fake news

by Radyo La Verdad | February 1, 2018 (Thursday) | 6188

Malaking hamon para kay Police Chief Superintendent John Bulalacao ang bagong posisyon bilang tagapagsalita ng pambansang pulisya.

Sa unang araw niya bilang boses ng Philippine National Police, nangako itong lalabanan ang mga fake news at propaganda.

Ayon kay Bulalacao, naniniwala siyang makapangyarihan ang impormasyon kaya’t humihingi siya ng tulong sa mga lehitimong media organizations para malabanan ang fake news.

Mahalaga aniyang matulungan ang publiko sa pagtukoy kung ano ang totoong impormasyon at kung ano ang kasinungalingan lamang. Tiniyak din ni Bulalacao na babalangkas sila ng mga hakbang upang maging mas transparent at bukas sa publiko ang PNP.

Si Bulalacao ang dating chief directorial staff ng National Capital Region Police Office o NCRPO.

Naging deputy director din siya ng Logistics Support Service, chief of staff ng Civil Security Group, assistant chief ng Firearms and Explosive Office at naging provincial director ng Cavite.

Si Bulalacao ay mula sa PMA Maringal class of 1988.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,