Bagong sistema ng granular lockdowns sa NCR, ipinagpaliban; MECQ, muling ipatutupad

by Erika Endraca | September 8, 2021 (Wednesday) | 6187

METRO MANILA – Bawal pa rin ang indoor at al-fresco dine-in services, personal care services kabilang ang beauty salons, beauty parlors at nail spas sa Metro Manila ngayong araw (Sept. 8).

Ito ay dahil pinalawig muna ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagpapairal sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa kapitolyo hanggang September 15.

Ipinagpaliban din ang pilot implementation ng bagong sistema ng granular lockdowns sa Metro Manila.

Dapat GCQ na sa NCR ngayong araw dahil planong umpisahan ng pamahalaan ang pagpapairal ng localized lockdowns sa halip na community-wide restrictions.

Ginawa ng IATF ang desisyon matapos magpulong muli kahapon subalit walang pang paliwanag ang palasyo kung bakit nagbago ng desisyon ang pamahalaan.

Samantala, mananatili ring online ang religious services sa NCR.

Bagaman pinahihintulutan ang non-covid neurological services, burol, inurnment at funerals, limitado lamang ito sa immediate family members at kailangang magpresenta ng pruweba ng relationship sa namayapa at dapat sundin ang minimum public health standards.

Sa mga nakalipas na araw, di naglabas ng detalyadong panuntunan ang palasyo kaugnay ng pilot implementation ng granular lockdowns sa NCR dahil inaayos pa ng IATF ang mga polisiyang ipatutupad.

Kasabay ito ng patuloy na mabilis na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa na ilang araw ding pumalo sa mahigit 20,000 ang kaso.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,