Bitbit ni Zanica ang litrato ng kaniyang kapatid na si Angelo Vezunia, 38 anyos, habang kinukuwento ang umano’y pagkamatay nito sa kamay ng mga alagad ng batas. Naniniwala siyang biktima ng extra judicial killing ang kanyang kapatid.
Ayon kay Zanica, tinago sa kanila ng mga pulis ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito habang nasa loob ng kulungan sa Caloocan.
Ang kaso ni Angelo ang isa sa inihalimbawa ng grupong “Manlaban sa EJK”, isang bagong grupo na binuo ng mga abogado, law professors at mga estudyante.
Naniniwala ang mga ito na nangyayari ang EJK sa war on drugs ng pamahalaan at nais nilang labanan ito. Kasama sa kanilang gagawin ay ang pag-iikot upang magsagawa ng forums kaugnay sa isyu pati ang pagbibigay ng legal opinions pagdating sa mga usapin patungkol sa karapatang pantao.
Tutol din ang grupo sa resulta ng survey ng Social Weather Station na 46% ng mga Pilipino ang naniniwalang hindi maiiwasang madamay ang mga inosente sa pagsugpo ng iligal na droga sa bansa.
Samantala ang Malakanyang, nanindigang hindi utos at hindi rin kinukunsinte ng administrasyong Duterte ang mga ganitong kaso.
Gayunman, positibo naman ang pananaw ng Malakanyang hinggil sa layunin ng nasabing grupo.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )