Babaeng recruiter umano ng ISIS at Maute group, naaresto ng NBI sa Taguig City

by Radyo La Verdad | October 19, 2017 (Thursday) | 3434

Labing apat na kasong inciting to rebellion ang kinakaharap ngayon ng trenta’y sais anyos na si Karen Aizha Hamidon dahil sa umano’y pangungumbinse ng mga dayuhang terorista nasumali sa rebelyon sa Marawi City.

Si Hamidon ay naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Counter Terrorism Division sa kanyang bahay sa Taguig City noong October 11 sa bisa ng isang search warrant.

Sasampahan din ito ng karagdagang reklamo matapos madiskubre sa kanyang cellphone ang 296 posts sa social media application na “telegram” na nanghihikayat ng mga lokal at dayuhang terorista na sumali sa rebelyon ng Maute-ISIS.

Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, pwedeng itaas sa rebelyon ang kaso laban kay Hamidon. Si Hamidon ay sinasabing asawa ni Mohammad Jaafar Maguid, ang napaslang na lider ng grupong Ansar Khalifa Philippines na responsable sa pambobomba sa Davao City Night Market noong Setyembre ng nakaraang taon.

Dati rin umano itong may bahay ni Muhammad Shamin Mohammed Sidek, ang Singaporean National na naaresto rin ng mga otoridad dahil sa kaugnayan sa ISIS.

Ayon pa sa NBI, unang naging person of interest si Hamidon sa kalagitnaan ng taong 2016 nang makapag recruit ito ng mga Indian National na sumali sa mga radikal na grupo sa Mindanao.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,