Assisted SIM registration sa 15 remote areas, sisimulan ngayong araw

by Radyo La Verdad | January 25, 2023 (Wednesday) | 3383

METRO MANILA – Batay sa assessment ng Department of Information and Communications Technology (DICT), nasa track pa rin ng target ang bilang ng mga nagpaparehistro ng sim card bago ang itinakdang deadline sa April 26.

Sa halos 1 buwan mula ng buksan ang sim registration, nasa higit 24 million sim cards na ang nairehistro.

Gayunman, nakikita pa ring malaking hamon ng DICT sa sim registration ang pag-abot sa mga lugar na walang internet access para mairehistro ang target na nasa 140 million sim cards.

Upang mairegister ang mga network subscribers sa mga remote areas, magsasagawa ng 3 araw na pilot roll out ng sim registration ang DICT sa 15 lokasyon sa iba’t ibang probinsya sa bansa na walang internet access.

Sisimulan ang proyekto ngayong araw January 25 hanggang January 27.

Kabilang sa mga lugar na pagdadausan ng sim registration ngayong January 25 ang municipal auditorium ng Pasuiquin Ilocos Norte, municipal hall ng Moalboal Cebu, municipal gym ng Palo Leyte, municipal gym ng Pangantucan Bukidnon, at covered court sa Malalag Davao del Sur.

Sa January 26 naman araw ng Huwebes, kabilang sa mga lugar na pagdarausan ng remote sim card registration sa basketball court sa Atok Benguet, Camalaniugan Sports Complex sa Cagayan, municipal covered court sa Calumpit Bulacan, Luancing covered court sa municipal hall ng Rosario Batangas, at multi purpose covered court sa Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.

Habang sa January 27 naman, araw ng Biyernes, naka-schedule ang sim registration sa covered court ng Baco Oriental Mindoro, multi-purpose covered court sa Brgy. Paulba Ligao City Albay, covered gym sa Carles Iloilo, MDRRM office ng Arakan Cotabato, at municipal gym sa Tagbina Surigao del Sur.

Samantala, magtatayo naman ang DICT ng one-stop-shop kung saan maaari na ring kumuha ang mga sim users sa remote areas ng NBI clearance.

Ito ang tugon ng ahensya sa kakulangan ng valid ID sa mga malalayong lugar na maaari nilang gamitin bilang requirement sa sim registration.

Bukod dito, pag-aaralan pa ng ahensya na isama na rin ang pag-iisyu ng national ID upang sabay na itong makuha ng mga magpaparehistro ng sim at magamit na ring requirement bilang valid ID.

Samantala, batay sa obserbasyon ng DICT, nabawasan na ang demand ng mga bumibili ng sim card.

Paliwanag si DICT Secretary Ivan John Uy, hindi na bumibili ang mga scammers dahil kinakailangan na itong irehistro bago magamit.

Nagpapakita lamang aniya ito na nagiging epektibo ang sim registration law laban sa scammers.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: ,