Ash eruption ng Mt. Kanlaon, posibleng pang maulit ayon sa PHILVOCS

by Radyo La Verdad | March 30, 2016 (Wednesday) | 5460

JOAN_ASH
Patuloy na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHILVOCS ang sitwasyon ng Mt. Kanlaon matapos ang dalawang beses na pagbuga ng abo na may kasamang bato kagabi.

Sa monitoring ng PHILVOCS, dakong ala-sais bente kagabi nang mangyari ang ash explosion na may sukat na 1,500 meters mula sa crater nito,na tumagal ng halos labing dalawang minuto.

Pasado alas siete nang muling maitala ang mahinang pagsabog mula sa bulkan na tumagal ng halos 25 segundo lamang.

Kabilang sa mga lugar na naapektuhan ng pagbuga ng abo ang Sitio Guintubdan, Barangay Ara-Al, at La Carlota, Negros Island.

Ayon kay PHILVOCS Director Renato Solidum, posibleng masundan o maulit pa ang naturang ash eruption, kaya’t mahalaga pa rin na sundin ng mga residente at ng lokal na pamahalaan ang 4 kilometer radius permanent danger zone.

Nagbabala rin ang PHILVOCS hinggil sa masamang epekto na maaring idulot ng mga abong malalanghap na ibinubuga ng bulkan.

Inabisuhan na rin ng PHILVOCS ang mga airline company na iwasan muna ang paglipad ng mga eroplano malapit sa bulkan.

Sa kasalukyan ay nanatili sa alert level one ang Bulkang Kanlaon.

Nangangahulugan ito na hindi normal ang activity at may nakikita ang PHILVOCS na pamamaga ng Mt. Kanlaon, sensyales na anumang oras ay maari magkaroon ng pagsabog.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang 24/7 monitoring ng PHILVOCS sa Mt. Kanlaon at wala pa namang ipinatutupad na evacuation order sa mga residente.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,