Posibleng malakas na pagsabog ng Bulkang Mayon, mahigpit na mino-monitor ng PHILVOCS

by Radyo La Verdad | January 23, 2018 (Tuesday) | 5216

Matapos na itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHILVOCS sa alert level 4 kahapon ang banta ng Bulkang Mayon, lalo pang pinag-igting ng PHILVOCS ang kanilang pagbabantay sa aktibidad ng bulkan.

Ayon sa kanila, ano mang oras mula ngayon ay malaki ang posibilidad na tuluyan nang sumabog ang Bulkang Mayon. Dalawang beses na nagpakawala kahapon ng makakapal na abo ang Mount Mayon.

Unang naitala ng PHILVOCS ang pagbuga ng ash column, alas dose trenta y kwatro ng hapon at ang ikalawa naman ay dakong alas kwatro ng hapon. Naitala rin ang ilang mahihinang pagputok ng bulkan o ang tinatawag anilang vulcanian eruption.

Dahil sa mas tumitinding pang pag-aalburuto ng bulkan, itinaas na ng PHILVOCS sa alert level 4 ang banta ng Mt. Mayon. Sa ganitong estado, lubha anilang delikado ang pyroclastic materials na ibinubuga ng bulkan.

Agad na pinalikas ng lokal na pamahalaan ang nga residenteng nakatira maging sa 8 kilometer radius extended danger zone.

Dagdag pa ng PHILVOCS, kung dati ay ang mga lugar lamang na nasa South Area ng bulkan ang lubhang apektado ng posibleng pagsabog, ngayon maging ang mga nasa North East Section o ang nga bayan ng Tabacco, Sto.Domingo at Legazpi City ay pinalilikas na rin.

Paliwanag pa ng PHILVOCS, dahil nakataas na ang alert level 4, nangangahulugan ito na malaki ang posibilidad na tuluyang sumabog na ang bulkan.

Sa ngayon, sinuspinde na muli ni Albay Provincial Governor Al Franchis Bichara ang klase sa lahat ng antas sa buong lalawigan at pinapayuhan ang lahat na magsuot ng face mask. Kung maari,  iwasan munang lumabas ng kani-kanilang mga bahay.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

Tags: , ,