Asec. Mocha Uson at Malacañang, nagpaliwanag tungkol sa viral video

by Radyo La Verdad | August 7, 2018 (Tuesday) | 3464

Sa social media post idinaan ni Dean Ranhilio Aquino, miyembro ng consultative committee ang pagkadismaya sa nag-viral na federalism video ni PCOO Assistant Secretary Mocha Uson.

Sa kumalat na video na may pamagat na ‘Sneak peek of our federalism lecture series’ makikita si Asec. Mocha na inaanyayahan ang isang blogger na sumayaw at kantahin ang isang jingle na may halong sensitibong mga salita na tumutukoy sa maselang bahagi ng katawan ng isang babae na iniugnay sa pederalismo.

Hindi lang mga netizens ang nagpahayag ng pagkadismaya sa nasabing post kundi maging mismong ilang miyembro ng consultative committee.

Iginiit naman ni ConCom chair at retired Chief Justice Reynato Puno na hindi kasama ang mga miyembro ng kumite sa mga nakonsulta sa pagpaplano kung paano ito ikakampanya ng mga PCOO officials partikular na ni Asec. Mocha.

Maging ang ilang senador ay nagpahayag din ng pagkadismaya sa naturang video.

Sa kaniyang social media post, nilinaw ni Asec. Mocha na matagal nang ginawa ang nasabing video. Hindi rin umano ito isang uri ng campaign video at walang anomang halaga o pondo ng bayan ang ginastos para dito.

Maging ang Malacañang, naniniwalang dapat gawing seryoso ang pagbibigay ng impormasyon ng hinggil sa pederalismo lalo na’t matinding usapin ang pagbabago ng Saligang Batas ng bansa.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,