Hindi natuloy ang nakatakdang arraignment kaninang umaga ni Sen. Leila de Lima sa kanyang pangalawang illegal drug trading case sa Muntinlupa RTC branch 205.
Sa halip ay iniutos ni Judge Amelia Fabros-Corpuz na itakda ito sa September 15. Dahil ito sa hiling ng prosecution panel na mabigyan ng dagdag na panahon upang maisumite ang kanilang rejoinder at karagdagang ebidensiya.
Binawi naman ng legal team ni Sen. De Lima ang kanilang motion to quash at magsusumite sila ng panibagong mosyon upang madismiss ang kaso.
Ayon kay dating Senador Rene Saguisag, na isa sa mga abogado ni De Lima, ilalakip nila sa mosyon bilang ebidensiya ang mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng ilang myembro ng gabinete na may kasalanan o guilty ang senadora. Ayon pa kay Saguisag, tiyak na may epekto sa kaso ang mga pahayag ng Pangulo. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga miyembro ng prosecution panel.
Samantala, muli namang binatikos ng senadora ang kampanya kontra droga ng pamahalaan. Kasunod ito ng pag-amin ng Pangulo na hindi kayang resolbahin ang problema ng bansa sa iligal na droga sa loob ng anim na buwan.
Hiling ni De Lima para sa kanyang kaarawan sa August 27 na mapadali na ang pag abswelto sa kanya. Dati nang sinabi ng kanyang mga abogado na ang kaso sa branch 205 ang pinakamahina sa tatlong kaso ng senadora.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)