Appointment ni Health Sec. Paulyn Ubial, hindi inaprubahan ng Commission on Appointments

by Radyo La Verdad | October 11, 2017 (Wednesday) | 10049

Matapos ang tatlong deliberasyon ng Commission on Appointments, mayorya ng 24-member ng bicameral committee ay hindi pumabor sa pagkakatalaga kay Secretary Paulyn Jean Ubial sa Department of Health.

Sa huling confirmation hearing kahapon, humarap ang dalawang tutol sa appointment ng kalihim. Kabilang dito ang isa sa mga empleyado ng Philippine Health Insurance Corporation na pinaratangan ang DOH Chief na anti worker at anti labor.

Bunsod umano ito ng pagpigil ng kalihim sa implementasyon ng pagtataas ng sahod ng PhilHealth employees noong March 2017.

Naroon din sa pagdinig ang dating PhilHealth CEO at Interim President na si Dr. Hildegardes Dineros na nagsabing pinatalsik umano sa pwesto ni Sec. Ubial.

Ngunit ayon kay Ubial, may siyam umanong PhilHealth Board Members na handang humarap upang patunayan na si Dineros ay boluntaryong nagbitiw sa pwesto.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,