Apat na sugatan sa banggaan ng 2 motorsiklo sa Cebu City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | September 18, 2017 (Monday) | 2799

Mga sugat at pananakit ng iba’t-ibang bahagi ng katawan ang idinadaing ng apat na biktima ng motorcycle accident sa Sitio Poblacion Occidental sa Consolacion Cebu pasado alas dose ng madaling araw noong kahapon.

Ayon kina Marjon Maglangit at Celidenio Velayo na magka-angkas sa isang motorsiklo, nagbukas sila ng signal light at sumenyas sa mga kasunod na sasakyan upang makaliko pa-kanan at magpark na sa gilid ng kanilang bahay.

Ngunit bigla umano silang binangga ng motorsiklong sinasakyan naman nina Evelio Labiaga at Jonathan Laudiza.

Itinanggi naman ito ng dalawa  at sinabing hindi nagbigay ng babala ang naunang motorsiklo at bigla na lang lumiko ang mga ito kaya nila nabangga.

Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang mga tinamong pinsala ng mga biktima

Pagkatapos malapatan ng paunang lunas ay tumanggi nang magpadala sa ospital sina Maglangit at Celidenio habang isinugod naman si Labiaga at Laudiza sa Vicente Sotto Memorial Medical Center.

Iimbestigahan pa ng otoridad kung sino ang dapat managot sa nangyaring aksidente.

 

(Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,