Apat na probinsya sa Eastern Visayas, isinailalim sa state of calamity dahil sa epekto ng bagyong Urduja

by Radyo La Verdad | December 19, 2017 (Tuesday) | 4354

Matinding pinsala sa ilang probinsya sa Eastern Visayas ang iniwan ng pananalasa ni bagyong Urduja. Isinailalim na sa state of calamity ang apat na probinsyang pinaka naapektuhan ng kalamidad, ito ay ang Eastern Samar, Northern Samar, Western Samar, Biliran, gayundin ang ilang bahagi ng Leyte kasama ang Tacloban at Ormoc City.

Kahapon, binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilan sa mga ito. Ipinag-utos nito ang agarang pagbibigay ng relief goods sa mga nangangailangan at gayundin ang rehabilitasyon ng mga nasirang imprastraktura.

Sa pinakahuling ulat mula sa Philippine National Police Regional Office 8, nasa apat-na-pu’t anim na ang nasawi mula iba’t-ibang probinsya sa rehiyon. Tatlumpu’t tatlo ang biktima ng landslide habang labing tatlo naman nalunod.

Problema naman sa Biliran ang suplay ng pagkain at gasolina dahil isolated ang lalawigan nang masira ang ilang mga tulay partikular na ang Caraycaray bridge at Catmon.

Ayon sa assessment ng lokal na pamahalaan tatagal pa ng isang buwan bago ma rehabilitate ang tulay.

 

( Jenelyn Gaquit-Valles / UNTV Correspondent )

Tags: , ,