Apat na bayan sa Bulacan, nanatiling lubog sa tubig baha

by Radyo La Verdad | July 18, 2018 (Wednesday) | 5708

Sa Meycauayan City, walong barangay ang apektado, hangang binti ang baha sa Barangay Tagugtog, Saloysoy, Camalig, Poblacion at Bangcal Malhacan.

Hanggang hita naman ang baha sa Barangay Calvario at Caingin kaya nagsilikas sa Calvario Elementary School ang ilang residente sa lugar.

Sa bayan ng Marilao, limang barangay ang apektado ng baha, kabilang ang Barangay Poblacion Uno at Dos, Nagbalon, Abangan Sur at Ibayo.

Hindi naman nagsilikas ang mga residente kahit lagpas tuhod na ang baha.

Sa bayan naman ng Obando, hanggang binti naman ang baha sa Barangay Pangulo. Baha na rin sa Barangay Sto. Niño, Hagonoy dahil sa hightide.

Nakaranas naman ng pagbaha ang kahabaan ng Mc. Arthur Highway sa tapat ng Balagtas Public Market na umabot ng hanggang binti.

Samantala, kaninang alas syete ng umaga nagpakawala na ng tubig ang Bustos Dam.

Ito ay upang maiwasang umapaw ang tubig sa dam na ngayon ay nasa 16.35 meters malapit sa spilling level nito na 17.50 meters.

Wala pa naman planong magpakawala ng tubig ang Ipo Dam.

Samantala, ayon naman kay Marilao Municipal Mayor Juanito Tito Santiago, isa sa nakikitang solusyon upang maiwasan ang pagbaha ay ang  isinusulong na flood control project ng DPWH.

Sa ngayon, bente kwatro oras na nakamonitor ang provincial at municipal government sa Bulacan kasama ang mga disaster rescue team upang agad makaresponde sakaling mangailangan ng tulong ang mga residente ng Bulacan.

 

( Nestor Torres / UNTV Correspondent )

Tags: , ,