Anti-Marcos burial petitions, ipinadi-dismiss ng solicitor general

by Radyo La Verdad | August 23, 2016 (Tuesday) | 1299

MARCOS
Nagsumite na ng komentaryo ang pamahalaan sa tatlong mga petisyon laban sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani.

Hinihiling ng Office of the Solicitor General na madismiss ang mga petisyon at huwag mag isyu ng temporary restraining order ang Korte Suprema.

Katwiran ni Solitor General Jose Calida, nasa kapangyarihan ni Pangulong Duterte na iutos ang pagpapalibing sa mga labi ni Marcos sa libingan ng mga bayani.

Pagkilala lamang aniya ito kay Marcos bilang dating pangulo at sundalo.

Paglilinaw pa ng opisyal, hindi rin ito mangangahulugan na pinatatawad na ang mga pang aabuso noong martial law.

Itutuloy din ni Pangulong Duterte ang pagbibigay ng reparasyon sa mga biktima ng paglabag sa karapatang-pantao.

Hindi rin aniya sakop si Pangulong Duterte ng sinasabing kasunduan sa pagitan ng pamilya Marcos at pamahalaan ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1993 kung saan pinayagang maibalik sa bansa ang mga labi ni Marcos sa kondisyong ililibing ito sa Ilocos.

Sumagot na rin sa petisyon ang pamilya Marcos at itinanggi ang mga alegasyon ng paglabag sa karapatang-pantao noong martial law.

Bukod sa wala umano itong kinalaman sa isyu ng pagpapalibing sa mga labi ng dating pangulo, kailangan pa umanong mapatunayan ang mga ito sa pamamagitan ng ebidensiya.

(Roderic Mendoza/UNTV Radio)

Tags: