Inihain na ni Senate President Vicente Sotto III ang isa sa kaniyang pet bills na layong labanan ang pagkalat ng fake news sa ilang social media sites.
Tatawagin ang panukala na Anti-false Content Act o mas kilala sa Anti-fake News Law.
Ayon sa Senate President, layon ng kaniyang panukala na maproteksyunan ang reputasyon ng isang tao mula sa nagkakalat ng maling impormasyon sa internet.
“Ang lakas makasira hindi lang ng reputasyon, hindi lang mga tao, yung mga institution. Eh alam naman kung ano ang fake news at hindi eh, bakit natin ito-tolerate? Eh di dapat we give government the chance to remove it or ask the proper authorities to remove it,” ani Sen. Vicente Sotto III ang author ng Anti-fake News Bill.
Pero sino-sino nga ba ang mga mananagot sa ilalim ng panukalang ito?
Una, ang gumawa o nag-publish ng isang personal account o website na naglalaman ng impormasyon na hindi totoo o tiyak na magliligaw sa publiko mula sa katotohanan.
Gumagamit ng imbento o hindi totoong online account o website na maglalagay rin ng impormasyon na alam niyang fake news.
Ang nag-aalok ng serbisyo para gumawa ng impormasyon sa online na gagamitin para lokohin ang publiko.
Ang nagpi-finance o nagtutustos ng ganitong aktibidad ay maaari ring maparusahan.
At ang mga hindi susunod sa magiging aksyon ng otoridad tulad ng paguutos na pagtanggal sa fake news.
Nilinaw ng Senador na ibang kaso ang mga nasa lehitimong media organization.
Kung saan minsan ay nabibiktima lamang ng maling impormasyon mula sa isang source.
“What we’re trying to achieve here, and of course marami pang individual ang sasama dito, is that those who would like to come up with some kind of news of their own through the social media, must follow the ethics of journalists like you. You are responsible, you’re accountable for what you place,“ ayon kay Sen. Vicente sotto III.
Ang mga mapatutunayang lumabag dito ay posibleng mapatawan ng parusa na pagkakakulong mula anim hanggang dalawampung taon o multa mula 300 thousand pesos hanggang 2 million pesos depende sa bigat o probisyon na nilabag sa ilalim ng nasabing batas.
Maaari ring itong maharap sa kasong kriminal sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kung may biktima ng fake news at nais magreklamo, kailangan lamang dumulog sa department of justice-office of cybercrime upang maaksyunan.
Ngunit ayon sa constitutional law expert na si attorney george Erwin Garcia, ang panukalang batas ay may posibilidad na lumabag sa isinasaad ng constitution.
“When you say freedom of expression, the freedom to think and to act na walang magre-restrain sa iyo, ngayon kung iyong nalalagay sa social media ay pu-pwede palang tatanggalin ng pamahalaan o piliin ng pamahalaan kung alin ang pupwedeng mabasa ng tao, to a certain extent may tinatawag tayo sa constitutional law na prior restraint. Yung prior restraint pinagbabawal yun because that is a violation of the constitutional guarantee of the freedom of expression, so ang magiging katanungan kasi diyan is paano, ano ang criteria ng batas na ito para bigyan ng kapangyarihan ang gobyerno na salain kung ano ang pupwede lamang na mabasa ng publiko?” ani Atty. George Erwin Garcia.
Ilang hamon at isyu pa ang hinaharap ng anti fake news bill na nangangailangan umano ng masusing debate ng mga mambabatas.
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: Anti-fake news bill, fake news, Senate President Vicente Sotto III