Antas ng paggasta ng pamahalaan sa taong 2017, nag-improve — DBM

by Radyo La Verdad | March 1, 2018 (Thursday) | 5042

Tumaas ang antas ng paggasta ng pamahalaan noong nakaraang taon. Sa datos ng Department of Budget and Management (DBM), P 2.824 trillion ang naging spending o nagastos ng pamahalaan mula sa P 3.350 trillion na pambansang budget noong 2017.

Mas mataas ito ng 11 porsyento kung ikukumpara sa 2016 spending na umabot ng P 274.4 billion. Dahil nag-improve ang antas ng paggastos, bumaba ang underspending ng gobyerno ng 2.9 percent o P 85.2 billion.

Underspending ang tawag kung hindi nagamit ng pamahalaan ang inilaang budget ng Kongreso sa nararapat nitong pagkagastusan.

Ang underspending noong 2017 ay bunga ng savings sa interest payments at balanse mula sa pondong nakalaan para sa pensyon, retirement benefits at para sa poll workers dahil sa pagpapaliban ng 2017 Sangguniang Kabataan at barangay elections.

Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ang improvement naman sa paggasta ng pamahalaan ay bunga ng pinaigting na programang pang-imprastraktura at mga proyektong pangkalusugan at panlipunan ng administrasyong Duterte.

Samantala, hindi naman nag-aalala ang budget department sa 40.7 percent na bahagi na pasaning utang kumpara sa gross domestic product (GDP) o paglago ng ating ekonomiya.

Inaasahan din ni Secretary Diokno na tataas pa ang credit ratings ng bansa sa susunod na isa hanggang dalawang taon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,