Ang diwa ng People Power Revolution na hinangaan ng buong mundo ay nabahiran ng kaguluhan ng harangin ng mga pulis ang mga raliyistang nagtangkang makalapit sa EDSA shrine.
Madaling araw ng simulang mag martsa papuntang EDSA ang grupo ng mga militante bitbit ang mga bandila at placards na tumutuligsa sa kasalukuyang administrasyon.
Makiki-isa umano sila sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Sa Ortigas pa lamang ay hinarang na ng mga pulis ang mga raliyista, bawal lumapit sa People Power Monument dahil naroon ang mga panauhing pandangal sa pangunguna ni Pangulong Begnigno Aquino The Third.
Tatlong dekada na ang nakalipas mula ng maganap ang makasaysayang EDSA People Power ngunit ayon sa mga raliyista unti unti nang nawawala ang tunay na diwa nito.
Ang People Power, hindi na raw para sa lahat ng “people”, kundi para umano sa iilang tao na pinapaburan ng pamahalaan.
Kapansin pansin na karamihan sa mga raliyista ay mga kabataaan, meron ding mangilang ngilan na mga menor de edad.
Sila ang nangunguna sa mga talumpati, mahabang oras na nagsasalita at hindi nauubusan ng sasabihin.
Mga kabataan na hindi man lang nasaksihan at walang muwang sa People Power Revolution na nagpalaya sa sambayang Pilipino noong 1986.
Bandang ala una ng hapon, dumating ang mas malaking grupo ng mga militante, hinintay nilang matapos ang programa sa EDSA People Power Monument upang sila naman ang makalapit.
Hindi na sila pinayagan dahil binuksan na ang isinarang bahagi ng edsa sa mga motorista, subalit nagpilit pa ring makalapit ang mga raliyista.
Umabot sa Ortigas ang malaking grupo subalit hindi na naka abante pa papalapit sa shrine dahil hinarang na sila ng mga naka-sheild at naka-helmet na mga pulis na nagbabantay.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)
Tags: EDSA People Power, kilos-protesta, mga militanteng grupo