AMLC, pinagpapaliwanag ng Korte Suprema sa ginawa nitong pag-imbestiga sa bank account ng mga Binay

by dennis | May 19, 2015 (Tuesday) | 1635
File photo
File photo

Inutusan ng Korte Suprema ang Anti Money Laundering Council (AMLC) upang magpaliwanag sa ginawa nitong aksyon na imbestigahan ang bank accounts ng pamilya Binay, mga abogado at maging mga kaibigan nito.

Sa isang pahinang resolusyon ng Supreme Court en banc na pinirmahan ni SC Clerk of Court Atty. Enriqueta E. Vidal, sinabi nito na binibigyan nila ng sampung araw ang AMLC upang magbigay ng kanilang komento kaugnay ng petisyon na inihain ng mga abodado ni Vice President Jejomar Binay ng Subido Pagente Certeza Mendoza and Binay (SPCMB) law offices noong nakaraang Marso.

Hiniling sa petisyon ng SPCMB Law Office na pigilan ang AMLC sa pagiimbestiga ng kanilang bank accounts at ideklarang labag sa konstitusyon ang Anti-Money Laundering Act of 2001 dahil pinapayagan nitong silipin ang mga bank account nang hindi kailangang humingi ng abiso sa mga respondent.

Matatandaang ginamit na bayatan ng Court of Appeals ang ulat ng AMLC upang maglabas ng freeze order sa mga bank account ng mga Binay at mga kaalyado nito.(Jerolf Acaba/UNTV Radio)

Tags: , , ,