Itinuturing ng Malacañang na mahalagang rebelasyon ang bagong pahayag ng tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.
May kinalaman ito sa umano’y pagbibigay niya ng campaign donation na nagkakahalaga ng limang milyong piso kay Sen. Franklin Drilon noong 2010 elections.
Nais ng Malacañang na maimbestigahan ng Office of the Ombudsman at Department of Justice ang bagay na ito.
Dagdag pa ng Malacañang, dapat hayaang magsalita si Napoles dahil may mga ebidensya ito para suportahan ang kaniyang mga sasabihin.
Sinabi naman ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, kinakailangang magsumite ng sinumpaang salaysay si Napoles hinggil sa kaniyang alegasyon. Tumanggi naman si Senator Drilon na sagutin ang alegasyong ito laban sa kaniya sa ngayon.
Samantala, itinanggi naman ng Malakanyang na limitado sa mga kasapi ng oposisyon ang mga isasagawang imbestigasyon ng pamahalaan sa PDAF scam.
Binigyang-diin ni Presidential Spokesperson Roque na bagaman ang DOJ ang maaaring magsiyasat at magsumite ng findings, ang Office of the Ombudsman pa rin ang magsasagawa ng preliminary investigation upang makapagsampa ng kaukulang kaso.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Malacañang, Napoles, Sen.Drilon