Alamin: Pagkakaiba ng komposisyon ng Senado, noon at ngayon

by Radyo La Verdad | May 20, 2019 (Monday) | 97776

METRO MANILA, Philippines – Taong 1916 pa lamang ay may aktibo ng lehislatura ang Pilipinas, binubuo ito ng Senado bilang mataas na kapulungan at ng House of Representatives bilang mababang kapulungan. At sa nagdaang mga panahon, ilang giyera at pangyayari na ang pinagdaanan ng institusyon.

Iba’t ibang mga pulitiko na rin ang nailuklok sa pwesto sa pamamagitan ng isang halalan.

Kung kasaysayan ang pagbabatayan, ano nga ba ang pagkakaiba ng komposisyon ng Senado simula ng maitatag ito hanggang sa panahon natin ngayon?

Noon, mga abogado at kilalang pulitiko o lider ng lipunan ang nauupo sa pwesto sa senado. At ilan dito ay mga naging Pangulo na ng Pilpinas, gaya nina Manuel L. Quezon, Jose P. Laurel, Sergio Osmeña, Manuel Roxas, Elpidio Quirino, Carlos P. Garcia, Ferdinand Marcos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo At Benigno Aquino III.

Hindi rin nagpahuli ang mga kababaihan ng maihalal na kaunaunahang babaeng senador ng bansa si Geronima Tomelden-Pecson noong 1947. Pero sa paglipas ng panahon, hindi lamang mga abogado, opisyal ng militar at mga lider ng lipunan ang naluklok sa pwesto.

Taong 1957 pa lamang, naihalal na Senador si Rogelio Dela Rosa, siya ang kauna-unahang artista sa Pilipinas na naging senador ng bansa, isang matinee idol at multi-awarded actor. ‘Di kalaunan nasundan ito ng iba pa gaya ng mag-aamang Joseph, Jinggoy at JV Ejercito, ang mag-amang Ramon at  Bong Revilla, Freddie Webb, Tito Sotto at Lito Lapid.

Hindi rin nagpahuli ang alagad ng media gaya ng mga broadcaster na sina Soc Rodrigo, youngest war correspondent at pulitiko na si Benigno “Ninoy” Aquino, Jr.,  news anchor na sina Loren Legarda at Noli De Castro.

Maging ang mga propesyonal sa ibat ibang larangan ay nasabak na rin sa Senado gaya ng doktor na si Juan Flavier, ang basketbolista na si Robert Jaworski at ang businessman at mag-asawang Manny At Cynthia Villar.

Ngayong 2019 midterm elections, samu’t sari na ang tumatakbo sa pagkasenador at ibang pwesto sa pamahalaan, mula sa larangan ng showbiz, sports mga negosyante at iba pa.

Kamakailan, naging laman ng mga balita ang pahayag ng senatorial candidate na si General Ronald “Bato” Dela Rosa na nais nitong magpaturo sa sistema at proseso ng paggawa ng batas.

Umani ng batikos mula sa publiko ang pahayag na ito ni Dela Rosa subalit marami din naman ang ipinagtanggol ang kandidato.

Inihalimbawa pa ng ilan si dating Pangulong Corazon Aquino na anila’y naluklok sa pinakamataas na pwesto sa bansa mula sa pagiging walang karanasan sa pulitika.

Gumanti naman si Dela Rosa at hinamon ng isang IQ test ang mga tumutuligsa sa kanya.

Sa linggong ito ay posibleng maiproklama na ng Commission on Elections ang labindalawang bagong miyembro ng senado.

At sa lalabas na resulta, ito ang katibayan na mula noon hanggang ngayon, ang mga taong naluklok sa pwesto ay patunay na hindi na maikakahon sa isa lamang propesyon, pagsasanay o pinagmulan ang pagiging isang senador ng Republika ng Pilipinas.

Basta’t makakuha ka ng maraming boto ay tiyak na magkakaroon ka ng pwesto.

(Mon Jocson | UNTV News)

Tags: , ,