METRO MANILA – Nasa 5.4% ang naitalang inflation rate sa bansa noong Mayo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Bunsod ito ng pagtaas ng presyo ng ilang bilihin gaya ng karne, gulay, at langis.
May ilang labor groups din ang nagsasabing kulang ang itinaas sa sweldo ng mga minimum wage earner.
Upang makatulong sa ating mga kababayan, narito ang ilan sa Tipid tips.
Payo ng mga financial adviser, iwasan ang pagbili ng mga hindi kailangan.
Dapat ding bawasan ang pamimili ng mga inumin sa labas at magbaon na lamang ng tubig kung lalabas man ng bahay.
Ugaliin ding repasuhin ang mga bayarin sa kuryente, tubig, cable connection at internet at planuhin kung papaano pa makatitipid sa mga utility bill.
Matuto rin aniyang mag-recycle. Gamitin ang mga nagamit na plastic bottles bilang paso o mga lumang damit bilang basahan imbes na bumili pa ng bago.
Ayon pa sa mga financial adviser, huwag na ring ugaliin ang pangungutang.
Sa mga naipong pera, pwede ring i-invest ito para magkaroon ng kakaunting kita.
Mas makatutulong din ang paglilista kung anu-ano ba ang mga kailangang paggastusan at kung ano ang hindi.
(Aileen Cerrudo | UNTV News)
Tags: price increase, savings