Ilang araw na ang nakalipas mula nang idineklara ng Department of Agriculture (DA) na African Swine Fever (ASF) ang dahilan ng pagkamatay ng mga baboy sa ilang lugar sa Rizal at Bulacan. Pero paglilinaw ng Kagawaran, hindi pa ito maituturing na epidemya.
Pero paano nga ba maaaring kumalat ang virus na ito?
Bagaman eksklusibo lamang sa mga baboy ang sakit na ito, maaari pa ring maging carrier ng virus ang mga tao at mga kagamitan na na-expose sa kontaminadong lugar, maging ang mga sasakyan na nagdala sa mga apektadong baboy.
Sa report na isinumite ng Bureau of Animal industry sa World Organization of Animal Health (OIE) noong September 9, hindi pa rin aniya matukoy ang pinakapinagmulan ng naturang virus sa mga apektadong lugar sa bansa. Pero ang mga tinuturong dahilan ay swill feeding o pagpapakain ng kaning-baboy, iligal na paglilipat sa mga may sakit na baboy upang maibenta sa mas mababang halaga, at maging ang mga tao at sasakyan na pinaglagyan sa mga apektadong baboy.
Sa huling tala ng OIE, umabot na sa sampung libo ang mga namatay at pinatay na baboy sa buong mundo dahil sa ASF — at halos walong libo rito ay mula sa Pilipinas.
Ayon kay DA Spokesperson Noel Reyes, patuloy ang kanilang pagpapatupad ng 1-7-10 quarantine procedure sa lahat ng mga lugar na apektado ng ASF virus. Aniya, ang lahat ng kagamitan sa ground zero at ang mga lugar na apektado ng ASF virus ay dinidis-infect ng kanilang mga inspector.
Nakasuot din ng disposable protective gear din ang kanilang mga tauhan na ibinabaon umano sa lupa pagkatapos gamitin upang hindi maisama palabas ng lugar ang naturang virus.
Magtatatag na rin ng National Task Force upang mas mapaigting ang pagbabantay sa naturang virus.
Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit ng 78 million pesos na emergency fund ng DA para sa monitoring at quarantine operations ng ahensya upang mapigilan ang pagkalat ng naturang virus.
Pagtitiyak naman ng DA sa publiko, ligtas pa ring kainin ang mga produktong baboy na ibinibenta sa merkado.
(Harlene Delgado | UNTV News)