Airline companies, inatasan ni Speaker Alvarez na ilipat sa Clark ang ilang domestic at international flights

by Radyo La Verdad | February 15, 2018 (Thursday) | 2652

Binigyan ng 45 araw ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang mga airline company na ilipat sa Clark Internatinal Aiport sa Pampanga ang ilan sa kanilang mga flight.

Ito ang nakikitang paraan ng mambabatas para masolusyunan ang congestion ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport.

Nasa 19 million ang passenger capacity ng terminal 1 at 3 ng NAIA pero umaabot na sa 20 million ang actual passenger traffic dito sa isang taon.

12 million naman ang passenger capacity ng terminal 2 at 4 subalit nasa 20 million din ang bilang ng mga pasaherong dumadating dito sa isang taon.

Binalaan naman ni Alvarez ang mga airline company na hindi tutugon sa panawagan na ilipat ang ilan sa kanilang mga flight sa Clark.

Pero si Cebu Pacific President Lance Gokongwei, humihingi ng mas mahabang panahon para maisagawa ito.

Samantala, pinag-aaralan na ngayon ng Committee on Transportation na huwag nang pagsamahin sa iisang terminal ang domestic at international flights dahil tanging Pilipinas lang daw ang gumawa nito.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,