Agarang pagbuo ng Department of OFW, ipinanawagan ng ilang grupo ng OFWs

by Radyo La Verdad | January 8, 2018 (Monday) | 2651

Nagtipon-tipon kahapon ang iba’t-ibang grupo ng mga Overseas Filipino Worker para sa kauna-unahang Global OFW Summit na ginanap sa central office ng TESDA sa Taguig City.

Dito tinalakay dito ang iba’t-ibang mga suliranin at hinaing na kinakaharap ngayon ng mga kababayan nating nagta-trabaho sa ibang bansa. Ilan anila sa mga ito ang hindi tamang pag-papasweldo at pagmamaltrato sa ibang mga OFW.

Ayon kay Engineer Yusoph Admain na siyang itinalagang Chairman ng OFW Summit, layon ng kanilang pagtitipon na  bumuo ng mga solusyon sa problema ng mga OFW na nais nilang idulog sa pamahalaan.

Dagdag ni Admain, kinakailangang makapagpadala ang gobyerno ng karagdadagang mga abugado sa ibang bansa, upang maiayos ang mga kasong kinakaharap ng ilang mga OFW lalo na ang mga nagtatrabaho sa Middle East.

Nais naman ng mga grupo ng overseas workers na hilingin sa kongreso ang agarang pagpapasa ng batas upang bumuo ng Department of OFW. Bukod pa rito, ipinapanawagan rin ng mga ito ang pagkakaroon ng national registry para sa lahat ng mga OFW.

Isang paraan anila ito upang mabigyang prayoridad ang mga dating OFW na makapagtrabaho sa Pilipinas, pagkatapos ng kanilang mga kontrata sa ibang bansa.

Umaasa ang mga ito, na kung magkakaroon ng bukod na ahensya ang mga OFW, mas magiging madali na ang pagtugon ng pamahalaan sa mga hinaing at problema ng mga kababayan nating nagta-trabaho sa ibang bansa.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,