AFP, nanawagan sa publiko na huwag i-post sa social media ang troop movements sa Marawi

by Radyo La Verdad | May 26, 2017 (Friday) | 3126


Humihingi ng kooperasyon sa publiko ang Armed Forces of the Philippines sa gitna ng pagpapatupad ng military rule sa Mindanao.

Ayon kay AFP Spokesperson Brigadier General Restituto Padilla, maselan ang ginagawa nilang operasyon sa Marawi City para magapi ang Maute Group;

At kung bawat galaw nila ay malalaman ng kalaban, talagang mahihirapan silang malansag ang mga terorista.

Kaya pakiusap nila sa ating mga kababayan, iwasang mag-post ng mga impormasyon sa social media, lalo na kung makakaapekto ito sa military strategy.

Ayon kay Padilla, hindi nila inirekomenda na suspindihin ang freedom of expression sa ilalim ng martial rule sa Mindanao;

Ngunit maaari silang magpatupad ng censorship kung malalagay sa alanganin ang seguridad ng publiko at operational safety.

Sasaklawin nito ang social media bagaman sa ngayon ay wala pa silang inilalabas na specific guidelines sa censorship.

Sinabi rin ng militar na sinisikap nilang maiwasan ang pagkakaroon ng collateral damage sa kanilang operasyon sa Marawi.

Surgical airstrike din ang kanilang ginawa na ang puntirya ay ang hideout ng Maute Group.

Nanawagan rin sila sa mga residente sa marawi na ipagbigay alam ang mga lokasyon ng mga terorista at mas maiging lumikas muna sila upang huwag maipit sa cross fires.

(Dianne Ventura)

Tags: , ,