Adopt a Municipality Program sa Albay, magsisimula na ngayong araw

by Radyo La Verdad | February 2, 2018 (Friday) | 2028

Iba’t-ibang lungsod sa bansa ang nagkasundo upang tulungan ang mga bayan sa Albay na naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Mayon.

Simula ngayong araw ay sisimulan na ang Adopt a Municipality Program sa Albay. Iba’t-ibang mga lungsod sa bansa ang itinalaga upang tulungan ang isang partikular na bayan sa probinsya.

Naka-assign na bigyan ng ayuda ng lungsod ng Muntinlupa ang bayan ng Daraga, ang Tagaytay City ay nakatoka sa bayan ng Guinubatan, ang Caloocan City ay Tabaco at Malilipot, sa Quezon City ay Bacacay at Ligao, sa bayan ng Camalig ay ang Paranaque City at bayan ng Sto. Domingo para sa Pasay City.

Magtatayo ng mga permanent toilets ang mga lungsod upang magamit ng mga evacuees.

Magtutungo rin sa Albay ang mga doktor at mga eksperto upang solusyunan ang problema sa mga naturang bayan.

Si Presidential Adviser for Political Affairs at emisaryo sa Albay na si Sec.Francis Tolentino ang siyang nakipag-usap sa mga alkalde upang tulungan ang mga apektadong bayan sa Albay. Bukod dito, itinalaga rin ni Tolentino ang ilang mga ahensya ng pamahalaan bilang mga camp manager.

Bukod sa kanilang mga department function, tutukan ng mga camp manager ang kalagayan ng mga apektadong munisipalidad

Nakatoka sa DOH ang bayan ng Camalig, Guinubatan sa DSWD, Tabaco City sa DepEd, Ligao sa DOLE, Sto. Domingo sa Department of Agriculture, Bacacay sa DENR, Malilipot sa DOST, Daraga sa DPWH at Legazpi sa DILG.

Ngayong araw ay darating na rin sa Albay ang mga representative ng mga lungsod sa Adopt a Municipality upang makapag simula na sa kanilang mga gagawing tulong.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,