Umani ng batikos sa social media si ACTS-OFW Party-list Rep. John Bertiz nitong weekend dahil sa viral CCTV video na ini-upload ng isang netizen kaugnay ng komprontasyon ng mambabatas sa isang airport personnel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)
Ayon sa uploader ng video, nangyari ito pasado alas sais ng umaga noong Sabado, ika-29 ng Setyembre sa NAIA Terminal 2 Domestic Departure.
Sa video, makikitang tila pinigilan ng isang screening security officer si Bertiz ngunit dumiretso ito at kinuha ang kanyang luggage. Ngunit bumalik ang mamababatas at ipinakita ang kanyang ID sa screening officer, kinumpronta ito saka sapilitang kinuha ang ID.
Pero paliwanag ni Congressman Bertiz, nais niya umanong sitahin ang mga staff ng NAIA kung bakit hindi nila pinadaan sa security check ang mga Chinese looking nationals na may escort mismong staff din ng NAIA.
Pero siya ay pinigilan umano ng security personel na si Hamilton Abdul kahit ipinakina niya ang kanyang NAIA security ID.
Ang ID na ito ay isang prebilehiyo na binibigay ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga kilalang personalidad.
Hinala ni Bertiz, sinadaya umano siyang harangan ni Abdul upang hindi niya makumpronta ang mga staff ng NAIA na kasama ng mga Chinese looking nationals.
Kinuwestiyon din ni Bertiz kung bakit nag-leak ang CCTV video na ito na dapat ay nasa pag-iingat ng pamunuan ng NAIA.
Dagdag pa ni Bertiz, marahil kaya hindi nakukunan ng video ang mga report na nakawan sa paliparan ay dahil malayang pinakikialaman ng naia CCTV operators ang mga CCTV camera doon.
Samantala, sa pahayag naman na inilabas ng Office of the Transportation Security ng MIAA, sinabi ng mga ito na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon at pinag-aaralang mabuti ang actual video footages ng insidente.
Tiniyak naman ng mga otoridad na papananagutin ang sinomang mapapatunayang lumabag sa kanilang regulasyon at patakaran sa NAIA.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )
Tags: Congressman Bertiz, NAIA, security personal