9 na dating distressed OFW sa Surigao del Sur, pinagkalooban ng P30,000 tulong pinansyal

by Radyo La Verdad | December 10, 2018 (Monday) | 4808

Pitong buwan na mula nang maka-uwi sa bansa ang dalawang taong safety officer sa Saudi Arabia na si Jorick Butron.

Hindi umano nagpapasweldo ng maayos ang kanilang kumpanya kaya napilitan siyang mag-resign at humingi ng tulong sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Biktima naman umano ng breach of contract ang 27 anyos at walong buwang ding safety officer sa Gitnang Silangan na si Kenneth Diorico. Naka-uwi man siya sa Pilipinas sa tulong din ng pamahalaan, wala naman siyang naipong pera upang makapagsimula muli sa paghahanap-buhay.

Parehong ang problema nina Jorick at Kenneth, ito ay kung paano sila babangong muli matapos ang mapait na karanasan sa ibang bansa.

Pero noong Sabado, muling nabuhayan ng loob na magsimula muli sina Jorick at Kenneth matapos mapabilang sa siyam na distressed OFW sa Surigao del Sur na pinagkalooban ng 20,000 livelihood assistance sa pamamagitan ng balik Pinas, Balik Hanapbuhay program ng OWWA at 10,000 naman mula sa Villar Sipag Foundation.

Kaugnay ito ng pagdiriwang OFW Day ngayong taon.

Upang mapalago pa ang perang natangap ng mga OFW, sasailalim din sila sa iba’t-ibang financial seminars.

Base sa datos ng OWWA, mayroon nang humigit kumulang labing dalawang milyong OFW ang nagtatrabaho sa iba’t-ibang bansa.

Taon-taon isinasagawa ng pamahalaan ang OFW Day bilang pagbibigay halaga sa pagsisikap ng mga bagong bayaning tinitiis na mawalay sa pamilya maiahon lang ang mga ito sa hirap.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

Tags: , ,