Kaniya-kaniyang eksena ang mga tagasuporta ng mga law graduates na kumuha ng bar exams ngayong taon.
Ang iba, madaling araw pa lang at kahit galing pa sa mga malalayong probinsya ay nakaabang na sa tapat ng University of Santo Tomas para sa unang bahagi ng apat na linggong pagsusulit kahapon.
Ang 54 anyos na si Tatay Edgar, hindi lamang apat na taon ang binuno sa law school para matupad ang pangarap na maging ganap na abogado.
Umasa ito na lahat ng pagod at puyat niya sa pag-aaral sa loob ng syam na taon ay magreresulta ng katuparan ng kaniyang mga pangarap.
Higit 8 libong law graduates ang kumuha ng 2018 bar examinations ang pinakamaraming bilang ng examinees sa mga nakalipas na taon. Bawat examinee ay umaasang maisasama ang kanilang pangalan sa mga magiging tagapagtanggol ng hustisya.
Payo naman ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen sa mga kukuha ng eksaminasyon ngayong taon na kumain ng nararapat, matulog ng maayos, ipagpasa-Dios ang pagsusulit at huwag magpanic.
Higit 400 pulis naman ang itinalaga sa paligid ng UST para sa seguridad ng mga examinees, magulang, supporters at tagapangasiwa ng pagsusulit.
Ayon kay National Capital Region Police Office Chief Guillermo Eleazar, wala naman silang natatanggap na anomang banta sa seguridad.
Ngunit ayon sa opisyal, hindi nila ipagbabakasakali ang seguridad ng bar exam takers at kanilang mga taga-suporta lalo na ay ilang insidente na rin ng karahasan ang naitala sa mga nakalipas na bar examinations.
Samantala, pinaalalahanan ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang tunay na hamon sa ligal na propesyon ay ang pagtataguyod sa integridad at dignidad nito.
Kasabay nito ay ipinaabot din ng Duterte administration ang pagbati para sa lahat ng bar examinees ngayong taon.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: Abogado, bar examinees, UST
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com