8 sugatan, 3 patay kabilang ang dating congressman sa pamamaril sa La Union

by Radyo La Verdad | May 14, 2018 (Monday) | 3821

Isang dating kongresista ng La Union ang nasawi matapos na pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Agoo, La Union pasado alas syete ng gabi noong Sabado.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nagsasalita sa isang meeting de avance si former Congressman Eufranio Eriguel nang may humintong dalawang sasakyan sa tapat ng plaza ng Barangay Capas kung saan isinasagawa ang pagtitipon. Pagkatapos ay pinagbabaril ng mga gunmen na sakay nito ang kongresista.

Naisugod pa sa La Union Medical Center si Eriguel ngunit idineklara na itong dead on arrival. Patay din ang dalawang bodyguard  ng dating kongresista.

Walo namang mga dumalo sa meeting de avance  ang sugatan. Ito ang itinuturing ng PNP na kauna-unahang election related crime sa La Union ngayong barangay at SK elections.

Patuloy anila ang kanilang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa krimen at ang motibo ng mga ito.

Matatandaang noong 2016 ay pinasabugan ang convoy ng dating kongresista sa Sta. Barbara habang kasagsagan ng pangangampanya nito para sa national elections.

Samantala, tatlo naman ang sugatan matapos na magkagulo ang supporters ng magkatunggali sa pagka barangay kapitan sa barangay 23-C sa Davao City noong Sabado.

Ang mga ito ay mga taga suporta ni incumbent Barangay Captain Alimoden Usman at reelectionist Amilbangsa Mading.

Sa inisyal na impormasyon mula sa PNP, nagsimula umano sa kantyawan ng magkabilang grupo hanggang sa nauwi ito sa pamamaril. Tatlo sa supporters ni Mading ang nasugatan.

Sa ngayon patuloy pa ang imbestigasyon ng otoridad at inaalam pa kung sino ang nagpaputok.

Ito ang unang election related-incident na naitala ng PNP sa syudad.

 

( Toto Fabros / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,