74-anyos na lolo, nabigyan ng libreng konsultasyon at gamot sa medical mission ng UNTV at MCGI

by Radyo La Verdad | October 25, 2018 (Thursday) | 3016

Mahigit apat na libo ang nakatira dito sa Bistekville 2 Brgy. Kaligayahan Novaliches, Quezon City. Mga dati silang informal settler na ang karamihan ay kapos pa rin sa buhay kung kaya’t malaking bagay anila ang makapagpatinigin ng libre sa doktor at mabigyan ng libreng gamot.

Dating nakatira sa mga danger zone at water ways ng lungsod ang karamihan sa mga residente dito.

Taga Nueva Ecija naman si Tatay Perfecto nguni’t nakikipisan ngayon sa kaniyang anak sa Bistekville upang matutukan ang kaniyang kalusugan. 74 na taong gulang na siya at dalawang taon na niyang iniinda ang pananakit ng kaniyang balikat.

Kaya naman nang mabalitaan ang libreng medical mission, agad itong nagpunta upang magpatingin sa doktor. Matapos magpakonsulta, binigyan din siya ng mga gamot, bitamina at libreng masahe.

Napaglingkuran rin sa medical mission si Nanay Maria na kasama ang kaniyang pang-limang anak na may sakit. Hirap sila sa buhay kaya’t bihira itong makapagpatingin sa doktor.

Sina Tatay Perfecto at Aling Maria ay ilan lamang sa walong daan at labindalawang napapaglingkuran sa medical mission ng UNTV at Members Church of God International (MCGI) sa Bistekville 2, Brgy Kaligayahan, Quezon City.

Samantala, mula ika-1 hanggang ika-22 ng Oktubre ay umabot na sa mahigit tatlong libo ang napagsilbihan sa tuloy-tuloy na medical missions ng UNTV at MCGI.

Naipaglingkod sa ating mga kasangbahay ang medical adult consultation, pediatric, legal at optical consultation, dental extraction, ECG at random blood sugar test.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,