Handang suportahan ng Philippine National Police ang martial law extension sa Mindanao. Ito’y kung sakaling naisin pa ng Pangulo na palawigin ito pagkatapos ng buwan ng Disyembre.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, hindi naman natatapos ang martial law extension sa Marawi siege dahil mayroon pang Bangsamoro Organic Law at magkakaroon pa ng halalan sa Mayo.
Nilinaw pa ni PNP Chief Albayalde na hindi naman katulad noong Marcos regime ang ipinatutupad na martial law sa Mindanao. Sa halip, nagkakaroon lamang aniya sila ng dagdag deployment ng pwersa sa lalawigan.
“Wala namang pag-curtail ng freedom doon. Ang nakita lang natin is yung mga massive checkpoints na nakikita natin doon and surrender of firearms. Sa tingin ko based on mga feedbacks mas gusto pa nga ng mga tao doon na may martial law,” sabi ni PDG Albayalde.
Samantala, aminado naman ang pamunuan ng pambansang pulisya na magkakaroon ng mainit na labanan sa pulitika sa ilang lugar sa bansa ngayong 2019 midterm elections.
Ayon kay General Albayalde, ngayon pa nga lamang aniya ay marami na ang nakararating sa kanyang request para papalitan ang ilang chief of police sa kani-kanilang lugar.
“Marami na selosan, ‘yung chief of police na hindi kanya. Marami na tayo mga ganyan na pwede bang palitan ‘yung provincial commander, city director. Marami na rin tayo nakukuhang request. The usual na request from different candidates and incumbents kaya alam natin na mainit not necessarily leading to violence,” pahayag ni General Albayalde.
Kaya’t malaki aniya ang maitutulong ng martial law sa mindanao para makamit ang payapa at maayos na halalan sa Mayo.
(Lea Ylagan | UNTV News)
Tags: albayalde, extension ng martial law, martial law., Mindanao, PNP, PNP chief PDG Oscar Albayalde, President Duterte