P1.7-M halaga ng hinihinalang iligal na droga, nasabat sa Taguig City

by Jeck Deocampo | August 2, 2018 (Thursday) | 6834

TAGUIG, METRO MANILA – Nasabat ng mga kawani ng National Capital Region Police Office ang aabot sa P1.7 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang drug den sa Barangay Ususan, Taguig City.  Ito ay matapos magsagawa ang Regional Drug Enforcement Unit ng buy-bust operation laban sa pitong suspek na tulak umano ng iligal na droga.

Minanmanan ng mga operatiba ang mga suspek ng isang buwan at matapos makumpirma ang mga iligal na aktibidad ay nagsagawa ng isang buy-bust operation. Nagpanggap ang isang pulis na buyer ng 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P200,000. Nang matapos ang bentahan at nagkaabutan ng kontrabando ay agad na inaresto ng mga otoridad ang mga suspek. Nakumpiska rin ang ilan pang mga pakete at bulto ng mga ipinagbabawal na gamot.

Nasa kustodiya na ng NCRPO ang mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

Ulat ni Asher Cadapan Jr.

Tags: , , , ,