7.5M Pilipino, nakakuha ng trabaho noong July 2020 matapos bumagsak ang employment rate noong ECQ period – PSA

by Erika Endraca | September 4, 2020 (Friday) | 5698

METRO MANILA -Unti-unti nang tumataas ang employment rate ng Pilipinas sa kabila ng marami ang nawalan ng trabaho bunsod ng pagsasara ng ekonomiya dahil sa ipinatupad na community quarantine.

Batay sa isinagawang survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Hulyo, mula sa dating bilang na 33.8M may trabaho sa bansa noong Abril kung kailan umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), nadagdagan ito ng 7.5M kasabay ng pagluluwag ng quarantine restriction at pagbabalik-operasyon ng iba’t ibang industriya.

“Y’ong pagbaba ng unemployment rate, 10% nitong July mula doon sa 17%noong April, of course, may mga regions tayo na nakita na nagbukas na, y’ong mga economic centers, kaya nagkaroon na ng pagbalik trabaho y’ong ating mga kababayan.” ani PSA National statistician and Civil Registrar General Usec Dennis Mapa, Ph. D.

Nakapagtala ng pinakamataas na pagtaas ng employment rate sa mining and quarrying noong July 2020 kumpara noong July 2019.

Sumunod ang agriculture and forestry na may 17.3% increase.

Umaasa ang National Economic and Development Authority (NEDA) na tataas pa ang employment rate ng bansa kung bubuti ang mga sitwasyon sa gitna ng pandemya.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), mapapabuti ang employment rate ng bansa sa mga susunod pang buwan.

Kasabay ito ng pagpapatupad ng pagpapatupad ng stratehiya na “prevent, detect, isolate, treat and recover” at paglalaan ng ligtas at sapat na pampublikong transportasyon para sa operasyon ng mga negosyante.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,