6th Infantry Division ng Philippine Army, naka-heigtened alert dahil sa banta ng pag-atake ng BIFF

by Radyo La Verdad | December 29, 2015 (Tuesday) | 1702

ROSALIE_PHIL-ARMY
Mas naghigpit ng seguridad ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na nakakasakop sa Central at Western Mindanao matapos na magbanta ng mga pag-atake ang armadong grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ngayong holiday season.

Kamakailan lamang, ilang sibilyan ang nasawi sa Sultan Kudarat, Maguindanao at North Cotabato dahil sa pamamaril ng mga miyembro ng BIFF.

Ayon sa Public Affairs Office Chief ng Philippine Army 6th Infantry Division na si Capt. Jo-ann Petinglay, naitala ang pag-atake ng BIFF sa Brgy. Kawran, Ampatuan, Maguindanao; Esperanza,Sultan Kudarat at Brgy. Tigkawayan, North Cotabato noong nakalipas na Huwebes at Biyernes.

Nakadeploy na rin ang mga sundalo at mahigpit na binabantayan ang paggalaw ng BIFF sa plano nitong mga pag-atake.

Una nang nakipag-ugnayan ang 6th Infantry Division sa mga lokal na pamahalaan upang magbigay babala sa mga residenteng iwasan munang lumabas ng dis-oras ng gabi at madaling araw.

Ito ay upang maiwasang mabiktima ng BIFF dahil ganito ang gawain ng grupo tuwing sasapit ang holiday season.

Ayon naman sa statement na ipinalabas ng AFP, ang pag-atake ng BIFF ay paghihiganti ng armadong grupo para sa mga nasawi at nasugatan nitong kasamahan dahil sa pinaigting na military operations laban sa kanila noong mga nakalipas na linggo.

Dagdag pa nito, marahil, layon din nitong ipakita ng grupo na hindi sila apektado sa operasyon ng mga sundalo.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,