60,000 Security Forces, magbabantay sa seguridad sa isasagawang 31st ASEAN Summit & Related Meetings

by Radyo La Verdad | November 6, 2017 (Monday) | 5120

Nobenta porsyentong handa na ang Security forces na magbabantay sa nalalapit na ASEAN Summit.

Nasa 60 libong security personnel mula sa hanay ng PNP, AFP, BFP, PCG at iba pang ahensya ng pamahalaan ang idineploy upang matiyak ang kaligtasan ng dadalo sa okasyon. Suportado ang mga ito ng 400 patrol cars, 200 motorcycles at 22 armored cars.

Tiniyak din ni ASEAN Committee on Security, Peace and Order, Emergency Preparedness and Response Chairman at DILG OIC Catalino Cuy na handa ang mga ito sa physical at cyber threats.

Ayon naman kay PNP Chief Director General Ronald Bato Dela Rosa, sa ngayon ay wala pa silang namomonitor na banta sa ASEAN Summit and Related Meetings.

Subalit kailangan aniya ang tulong ng publiko para ipagbigay alam sa kanila ang mga kakaibang paggalaw ng sinoman.

May posibilidad naman aniya na magkaroon ng mga taong hindi naman konektado sa anumang teroristang grupo subalit makagagawa ng panggugulo tulad nang nangyari pag-atake sa Resorts World sa Pasay City noong Hunyo.

Ayon naman kay National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon, nirerespeto ng pamahalaan ang mga advisory o anumang alertong inilalabas ng ibang bansa gaya ng Australia tungkol sa mga elementong nais maghasik ng kaguluhan sa bansa.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,