60 days na buffer stock ng bigas galing sa ani ng mga magsasaka sa bansa, target ng DA

by Radyo La Verdad | July 26, 2018 (Thursday) | 2943

Suportado ng Department of Agriculture (DA) ang National Food Authority (NFA) sa pagpapaigting ng kampanya sa pagbili ng bigas mula sa mga magsasaka sa bansa.

Nais ng DA na ang target na anim na pung araw na buffer stock ng bigas sa buong bansa ay galing sa ating mga magsasaka at hindi imported.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, direktiba ng Pangulo na palawigin pa ang buffer stock upang matiyak na hindi kukulangin ng bigas sa bansa sa oras ng kalamidad.

Dahil dito, hinikayat ng DA ang mga magsasaka na ang lahat ng mga produktong palay ng mga magsasaka ay direkta ng ibebenta sa National Food Authority (NFA).

Sisimulan ang pagpapatupad nito sa Western Visayas.

Mas mababa ang buying price ng NFA sa mga palay na P17 kada kilo kumpara sa mga commercial buyers na nasa P18 hanggang P22 kada kilo.

Kaya naman para mahikayat ang mga magsasaka, maglalagay ng mga drying facilities ang DA sa mga NFA buying station upang libreng makapagpatuyo ng palay ang mga magsasaka.

Makakatanggap din ng incentives ang mga magsasaka sa tuwing magpapatuyo ang mga ito ng kanilang palay.

Pagkakalooban naman ng mga machinery at equipment ang mga assossasyon at kooperatiba na makakapagbenta ng dalawanglibong metric tons ng palay.

Mas madali rin makaka-access ang mga ito sa Production Loan Easy Access (PLEA) program ng DA.

Hihikayatin naman ng DA ang mga pribadong sektor, millers at traders na mag-impok ng palay at bawasan ang kanilang binibiling imported rice.

Ikinatuwa naman ng NFA ang hakbang na ito ng Department of Agriculture (DA).

Ayon sa NFA, hindi na sila mahihirapan sa paghahanap ng mga palay suppliers. Mas mapopromote na rin ang ating local rice.

 

( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,