60-day peace talks, uumpisahan oras na magkasundo ang GPH at NDF peace panel – Malacañang

by Radyo La Verdad | April 24, 2018 (Tuesday) | 3657

Wala pang target na maibigay ang Malacañang kung kailan magsisimula ang panukalang 60-day peace negotiation ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, magsisimula lang ang resumption ng peace talks kung pagkakasunduan ng mga negosyador ng pamahalaan at makakaliwang grupo.

Mismong si Pangulong Duterte ang nagbukas ng pintuan upang muling buhayin ang usapang pangkapayapaan sa mga makakaliwang grupo. Nais dito gawin sa Pilipinas ang peace negotiations sa loob ng 60-araw.

Imbitado rin si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chair Jose Maria Sison na umuwi ng bansa at sasagutin ni Pangulong Duterte ang magiging gastusin nito.

Inudyukan din nito ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na samantalahin ito upang makagalaw ng malaya.

Nagpasalamat naman si Sison sa pahayag ng pangulo subalit uuwi lang aniya siya sa Pilipinas kung magkakaroon na ng malaking development sa peace negotiations tulad ng pakikilahok ng malaking bilang ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) negotiators at consultants, kasunduan sa ceasefire at amnesty ng political prisoners at iba pa.

Hindi naman aniya matitiyak ng pamahalaan ang seguridad ni Sison sa ibang bansa liban sa Pilipinas.

Si Sison ay idineklarang terorista ng U.S. State Department.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,