6 na pulis, patay sa misencounter sa Samar kahapon

by Radyo La Verdad | June 26, 2018 (Tuesday) | 3138

Nakaburol ngayon sa St. Peter Funeral sa Tacloban City ang mga labi ng anim na miyembro ng 805th Military Police Company ng Police Regional Mobile Force Batallion na mga biktima ng nangyaring engkwentro sa Samar kahapon.

Kinilala ang mga ito na sina PO1 Wyndell Noromor, PO1 Edwin Ebrado, PO1 Phil Rey Mendigo, PO1 Julius Suarez, PO1 Rowell Reyes at PO1 Julie Escalo.

Nasa Eastern Visayas Regional Medical Center naman ang mga sugatang pulis na sina PO1 Elmer Pan, PO1 Cris Angelo Pialago, PO1 Romulo Cordero, PO1 Joenel Gonzaga, PO1 Rey Barbosa, PO1 Roden Goden, PO1 Jaime Galoy, PO1 Romel Bagunas at PO1 Janmark Adones.

Sa inisyal na impormasyon mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), nagpapatrolya ang 805th Military Police Company pasado alas nuebe ng umaga kahapon sa bulubunduking bahagi ng Sta. Rita, Samar nang paulanan ng bala ng hindi nila kilalang grupo. Tumagal umano ng halos dalawampung minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng mga ito.

Ngunit ang nakasagupa pala ng mga ito, ang 87th Infantry Batallion na anim na araw nang nag-ooperate sa nasabing lugar.

Sa isang statement nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi si Major General Raul Farnacio, ang commander ng 8th Infantry Division. Sinabi nito na magsasagawa ang AFP at PNP ng joint investigation hingil sa nangyaring insidente.

Gagawin umano nila ang karampatang aksyon sa mga mapapatunayang nagpabaya sa tungkulin at titiyaking hindi na muling mangyayari ang ganitong insidente.

 

( Archyl Egano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,