Inumpisahan na ng Department of Health ang pagsasagawa ng training sa mga medical practioners sa anim na pampublikong ospital sa Pilipinas para sa medical testing ng zika virus sakaling makapasok ng bansa.
Kabilang sa mga ospital na sumasailalim ngayon sa Training Research Institute for Tropical Medicine, San Lazaro Hospital, Lung Center of the Philippines, Baguio General Hospital, Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Visayas, at Southern Philippines Medical Center sa Mindanao.
Dito sasanayin ang mga doktor kung papaano gagamitin ang zika testing kit.
Ayon kay Health Secretary Janette Garin sa ngayon ang Pilipinas ay mayroong isang libong testing kit para sa zika virus na nasa Research Institute for Tropical Medicine.
May inaasahan pang darating na isang libong testing kit sa susunod na dalawang linggo
.
Tatagal ang training sa loob ng isang linggo at pagkatapos nito ay dadalhin na ang ang mga testing kit sa mga nabanggit na ospital.
Ngunit paliwanag ni Secretary Garin, magiging limitado ang paggamit ng mga zika testing kit, dahil kakaunti lamang ang available na suplay nito at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito ibinebenta sa merkado.
Ang mga testing kit ay nagmula pa sa Center for Disease Control sa Atlanta, USA kaya naman magiging strikto ang mga ospital sa mga pasyenteng paggamitan nito.
Ayon sa DOH, sa kasalukuyan ay makikita na sa bansa ang mga lamok na aedes aegypti na sinasabing carrier ng zika virus, ngunit sa ngayon ay wala pa namang naidodokumentong active case nito sa Pilipinas.
Dahil dito muling ipinaalala ng kagawaran ng kalusugan sa publiko ang kahalagahan ng paglilinis ng paligid upang maalis ang mga lugar na posibleng pamahayan ng mga lamok.
Importante rin ang regular check-up ng mga buntis partikular na sa unang tatlong buwan upang mapanatili ang kanilang malusog na kondisyon at mapangalagaan ang kanilang mga sanggol.
Tiniyak naman ng DOH na sa ngayon ay nakikipagugnayan na sila sa ilan pang ahensya ng pamahalaan upang gawin ang lahat ng mga hakbang upang mapigilan na makapasok sa bansa ang zika virus.
(Joan Nano/UNTV News)
Tags: Department of Health, Health Secretary Janette Garin, zika virus