6-hours na airspace shutdown, ipatutupad sa May 17; airline companies, magpapatupad ng flight adjustments

by Radyo La Verdad | May 3, 2023 (Wednesday) | 5191

METRO MANILA – Magpapatupad ng airspace shutdown ang Pilipinas sa May 17.

Ibig sabihin, walang papayagang makalipad at makapasok na eroplano sa Philippine airspace sa loob ng 6 na oras.

Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), dahil ito sa scheduled maintenance activity ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kung saan papalitan ang Uninterruptible Power Supply (UPS) ng Communications, Navigation, and Surveillance/Air Traffic Management (CNS\ATM) system.

Magsisimula ang shutdown 12 ng madaling araw hanggang 6 ng umaga.

Paliwanag ni MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co, may posibilidad naman aniyang mapaikli ito sakaling maagang matapos ang maintenance activity ng CAAP.

Ngayong araw (May 3), pupulungin ng MIAA ang lahat ng 43 airline companies para mailatag ang kanilang plano at contingencies sa magiging epekto sa flight operations at mga maaapektuhang pasahero.

Ito’y para matiyak na maagang maabisuhan ang kanilang customers sa magiging adjustments sa kanilang mga byahe.

Sa ngayon, uunahin muna ng CAAP ang maintenance ang Automatic Voltage Regulator (AVR) ng CNS/ATM system.

Kaya ang flag carrier Philippine Airlines (PAL) nag-anunsyo na ng flight adjustments para magbigay daan sa radar system maintenance work. Kabilang sa mga apektadong flight kahapon ang 3 international flights ng PAL, habang 12 international flights at 7 domestic flights naman ang maantala ngayon araw (May 3).

Balik naman na sa normal ang operasyon sa terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos makansela ang nasa 48 domestic flights bunsod ng pagkawala ng kuryente.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: