Epektibo na kahapon ang anim na buwang suspensiyon sa labing-apat na opisyal ng Cebu City, kabilang na si outgoing Mayor Michael Rama at Vice Mayor Edgardo Labella dahil sa umano’y abuse of authority.
Ang kautusan mula sa Office of the President ay ipinatupad ng Department of the Interior and Local Government Region 7.
Nag-ugat ito sa pagre-release ng city government ng P20,000 na calamity assistance, o katumbas ng 83.4 million pesos, sa mga empleyado at opisyal ng city hall bagaman hindi sila direktang naapektuhan ng bagyong yolanda at magnitude 7.2 na lindol sa Visayas noong 2013.
Wala sa opisina si Mayor Rama nang i-serve ng DILG ang suspension order kaya ipinaskil na lamang ito sa labas ng kanyang tanggapan.
Tiniyak naman ni Vice Mayor Labella na susundin niya ang suspension order.
Isasauli niya rin ang naka-isyu sa kanyang mga sasakyan at hindi na niya gagamitin ang kanyang opisina.
Ayon naman sa DILG, ngayon lang nila nai-serve ang order matapos silang payagan ng COMELEC.
Isa ang pagpapataw ng suspension at paglilipat ng public officials sa mga ipinagbabawal ipatupad sa panahon ng official campaign period para sa mga lokal na kandidato.
Kabilang rin sa mga sinususpindi ang labindalawang konsehal na sina Councilors Alvin Dizon, Noel Wenceslao, Dave Tumulak, Hanz Abella, Gerardo Carillo, Nestor Archival Sr., Mary Ann Delos Santos, Sisinio Andales, Alvin Arcilla, Roberto Cabarrubias, Nida Cabrera, at Eugenio Gabuya Jr.
Hindi naman kasali sa suspension si Councilors Margarita Osmeña, Leah Japson, Richard Osmeña at James Cuenco dahil hindi sila bumoto sa ipinasang supplemental budget na naglaan ng calamity assistance.
Si Councilor Osmena ang pansamantalang uupo bilang alkalde ng lungsod habang si Cuenco naman ang acting vice mayor hanggang sa pagpapalit ng termino sa a-trenta ng Hunyo.
(Gladys Toabi/UNTV NEWS)