Ikinabahala ng milyong-milyong facebook user ang anunsyong inilabas ng pamunuan ng social media giant na facebook noong Sabado kaugnay ng umano’y security flaw o butas sa seguridad ng kanilang application system.
Ayon sa facebook, tinatayang nasa 50 milyong account ang naapektuhan nito dahil sa pagsasamantala ng mga hacker.
Ayon sa kumpanya, ginamit ng mga hacker ang “view as” feature ng social media. Ito ay feature ng fb kung saan maaring makita ng isang user kung ano ang nakikita ng isang bumibisita sa kanyang account. Sa pamamagitan ng “view as” feature nakuha ng mga hacker ang access token o digital keys ng mga fb user.
Ang digital keys na ito naman ang feature ng facebook upang manatiling naka-log in ang isang account at hindi na kinakailangang mag-input ng password tuwing gagamitin ang app.
Sa pahagay na inilabas ni FB Chief Executive Mark Zuckerberg, sinabi nito na hindi pa nila matukoy kung mayroong mga account ang pinakialaman ng mga hacker, ngunit sinabing isa itong seryosong isyu.
At bilang pag-iingat, pansamantalang inilog-out ng facebook ang account ng maraming fb user nitong weekend, inalis rin ng fb ang view as feature sa kanilang application.
Nakipag-ugnayan na rin ang facebook sa mga data privacy regulator at mga otoridad upang maimbestigahan ang insidente.
Samantala, sa pahayag naman na inilabas ng National Privacy Commission (NPC), sinabi nito na hindi pa nila matukoy sa ngayon kung ilan ang mga Pilipinong nadamay sa pangyayari, at kung may personal na impormasyon ang nagamit sa maling paraan.
Pinayuhan naman ng facebook ang mga user na ilog-in na lamang muli ang kanilang mga account. Nilinaw rin nito na hindi na kinakailangan na baguhin pa ang kanilang mga password.
Samantala, plano naman ng facebook na dagdagan ang kanilang mga tauhan na magbabantay sa seguridad ng privacy ng mga milyong-milyong facebook user ng sikat na social media network.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: Facebook, Seguridad, social media giant
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com