Magdamag na nagbuga ng tubig ang mga bumbero sa Manila Pavilion Hotel and Casino para maapula ang sunog na nagsimula pasado alas nuebe ng umaga kahapon. Pasado alas dies na ng umaga kanina nang naapula ang apoy.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa ground floor ng 22-storey building. Sa laki ng apoy itinaas ng BFP ang Task Force Bravo.
Ayon kay Fire Superintendent Jonas Silvano, ang district fire marshall ng BFP Manila, nahirapan ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy dahil sa makapal na usok mula sa loob ng gusali.
Sa tala ng BFP, lima ang nasawi sa insidente na pawang matatagal ng empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.
Kaninang umaga, narecover ang katawan ng CCTV operator ng casino na si Joe Cris Banang. Labing apat naman ang sugatan sa insidente.
Nilinaw naman ng PAGCOR na wala silang kautusan na unahing isalba ang salapi kaya nasawi ang ilang mga tauhan ng Casino.
Magbibigay naman ang PAGCOR ng 100,000 pesos para sa pamilya ng mga nasawi at ililipat sa PAGCOR Manila Bay branch ang mga nawalan ng trabaho matapos ang sunog.
Samantala, may nakalaan ring tulong ang Employees’ Compensation Commission (ECC) ng Department of Labor and Employment para sa mga empleyadong biktima ng sunog.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: BFP, Manila Pavilion, sunog